top of page

USLEMs at LAS, kasado sa pamumuno ng CID


Sa pagpapatuloy ng pagbuo ng mga kinakailangang kagamitang panturo, nagkaisa ang mga dibisyon sa punong rehiyon na paghatian ang mga gawain upang makumpleto ang mga asignatura mula Kinder hanggang sa Senior High School. Naatasan ang mga tagamasid o mga supervisor sa pangunguna ng hepe ng Curriculum Implementation Division (CID) upang pamunuan ang pagsasagawa ng tinatawag na Unified Supplementary Learning Modules o USLEMs at mga Learning Activity Sheets o LAS. Ang Dibisyon ng San Juan ay naatasang gawin ang lahat ng asignatura sa Unang Baitang para sa Ikatlo at Ikaapat na Markahan.


Tulad ng mga naisagawang modules sa unang dalawang markahan, may mga itinakdang rekisito at mga panuntunan upang magsilbing gabay sa USLEMs at LAS. Ang USLEMs ay kinakailangang sumunod sa mga itinakdang bahagi tulad ng: Inaasahan, Unang Pagsubok, Balik-Tanaw, Maikling Pagpapakilala ng Aralin, Gawain, Tandaan, Pag-alam sa Natutuhan, Pangwakas na Pagsubok, Kard ng Susing Sagot, at Sanggunian. Ganito rin ang mga bahaging inaasahan para sa mga asignaturang nasusulat sa wikang Ingles gamit ang katumbas na mga katawagan. Ang itinakdang font style nito para sa Unang Baitang ay Alfabeto o Century Gothic na may laking 16 points at nangangailangan ng maraming mga drawings o sa ratio na 65% to 35% bilang pag-aangkop sa debelopmental na kasanayan ng mga bata. Ito ay may kabuuang 10 pahina mula sa pamagat hanggang sa sanggunian sa dulong pahina.

Samantala, ang LAS naman ay katumbas ng naisagawang Project RAIN ng rehiyon noong nagdaang taon o yaong Reinforcement Activities Intended for No Classes. Ito ang inaasahang magiging katuwang sa pagtataya o assessment para sa mga Most Essential Learning Competencies (MELCs) na naitampok sa mga USLEMs. Binubuo ito ng 4 na pahina na naka-landscape at may parehong teknikal na mga panuntunan sa USLEMs hinggil sa font style at size. Ang mga inaasahang bahagi nito ay: Pangalan, Petsa, Rating o Iskor, Pamagat, Panuto, Gawain, at Footnote kung saan nakalagay ang target na linggo, MELC, at anumang tala para sa mga guro o gabay.


Sa inilunsad na oryentasyon para sa Dibisyon ng San Juan, inilatag ng CID sa pamamgitan ng Learning Resources (LR) Supervisor Dr. Jonas Felicicano C. Domingo, ang mga inaasahang forms para sa buong grupo na naatasang bumuo ng USLEMs at LAS sa iba’t ibang asignatura. Mayroong para sa mga manunulat, mga dibuhista, at editor na siya ring bubuo sa tinatawag na Quality Assurance Team na titiyak sa mga inaasahang pamantayang inilatag sa rehiyon.


Sa kasalukuyan ay patuloy sa pagbuo ang mga kabilang sa proyektong ito sa pangunguna ng mga CID supervisors bilang bahagi ng pagtupad ng dibisyon sa Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP). Narito ang ilang kuhang larawan kaugnay sa gawaing ito:


Article written by

Orlando D. Claor, SEPS-M& E / OIC-AP Supervisor

Comments


Featured Posts
Archive
bottom of page