Todo Kasado: Batang Manunulat, Handa nang Sumabak sa 2024 Division Schools Press Conference
Handang-handa ng lumaban sa darating na 2024 Division Schools Press Conference ang mga batang manunulat ng pampublikong paaralan matapos sumailalim sa pandibisyong gawain na Journalism Insitute: Organization of Media Production Group for Publication and Contests noong Pebrero 5-8 at 12-13, 2024 sa Paaralang Elementarya ng Pinaglabanan.
Layunin ng pagsasanay na ito na: a.) sanayin ang mga batang mamamahayag at guro sa organisasyon ng media production group, b.) mapadali ang proseso ng pagbuo ng newscast sa TV, radyo, at online publishing, at c.) mahikayat ang mga kalahok na magsuri para sa pagkakaroon ng kalidad sa media production.
Naging paksa naman noong Pebrero 7 ng ispiker na si Mark-Julian Villaluna, isang freelance journalist, ang kategorya para sa sekondarya na TV Scriptwriting at Broadcasting. Ipinaliwanag niya ang TV Broadcasting bilang mediang panlahat o pangmasa. Itinuro din niya ang angkop na pagsulat ng iskrip, pag-uulat, at mga kaalamang teknikal ukol dito. Sa ikalawang araw, Pebrero 8 ay isinagawa ang worksyap sa pagsulat ng iskrip kasunod ang pag-uulat nito. Matapos ang broadcasting ay nagkaroon ng malalim na pagsusuri at pagbibigay ng feedback sa ginawang presentasyon. Nagkaroon ng kakaibang karanasan ang mga kalahok ayon sa kanila sapagkat ito ang unang pagkakataon na nabigyan sila ng ganitong pagsasanay.
At sa mga huling araw ng gawain ay sumabak naman ang mga bata sa Collaborative Desktop Publishing at Online Publication. Ang manunulat na si Raymund Garlitos ang naging tagapagsalita sa paksang ito. Ayon kay Garlitos, dapat na may magkaroon ng kahusayan sa iba’t ibang kategorya sa pagsulat ang mga kasama rito, may kaalaman sa napapanahong isyu, kayang gumawa ng higit sa isang gawain, mabilis kumilos at handang makipagtulungan sa kapangkat para maipasa sa takdang oras ang ginawa.
Nakasama ni Garlitos si Villaluna sa pagkritik ng mga ginawang output ng mga bata.
Ayon sa mga bata, sa pagwawakas ng pagsasanay ay marami silang natutuhan kaya handang-handa na silang sumabak sa 2024 Schools Division Conference and Contests sa darating na Marso.
Isinulat ni:
Ma. Divina Gracia E. Delos Santos
Teacher II - Nicanor Ibyuna Elementary School
Comments