SJES LEARNERS, NAKILAHOK SA MALA-"CHILDREN'S PARTY" VACCINATION CAMPAIGN KONTRA COVID-19


Nagsimula na noong Lunes, Pebrero 7, 2022, ang pagbabakuna sa mga batang mag-aaral na may edad 5-11 taong gulang sa FilOil Flying V San Juan Arena, lungsod ng San Juan. Makikita sa mga larawan sa itaas na naging parte sa pagpapabakuna ang mga batang mag-aaral ng Elementarya ng San Juan kasama ang kanilang mga magulang. Ipinakita ng mga batang ito ang kanilang katapangang harapin ang mga tusok ng karayom upang magkaroon ng proteksyon sa sakit na COVID-19 at muling maipagpatuloy ang edukasyon. Ang mga mag-aaral na nagpabakuna ay nakatanggap ng low-dose Pfizer vaccine at espesyal na karayom na angkop para sa age-group na ito.

Nakatulong ang temang “children’s party” sa nasabing vaccination site upang maalis ang takot at kaba ng mga batang mag-aaral sa bakuna. Ayon sa isang mag-aaral mula sa ika-anim na baitang na si Johann Kyle Buhisan, “Hindi ko po masyado naramdaman ang injection dahil sa mga super heroes at clowns sa paligid ko, parang umattend po ako ng birthday party.” Kitang-kita sa mata ng bata ang excitement sa kabila ng bakuna sa kanya.


Isang napakagaling na strategy ang ginawa ng pamahalaang lungsod ng San Juan sa pamumuno ni Punong Lungsod Francisco Zamora, dahil aniya ang bakuna ang pinakamabisang paraan para mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19 ang mga kabataan. Inaasahan pa ang pagtaas ng bilang ng mga batang magpapabakuna mula sa Elementarya ng San Juan at sa iba pang paaralan sa San Juan mula Kinder hanggang Ika-anim na baitang sa mga susunod pang araw bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng Face-to-Face Classes.


Credits:

Johann Kyle Buhisan, VI-Mapagkalinga

Mr. Herman Fernandez Jr., Parent

Reneliza A. Cabañez, Parent




Article Written by:

Anna May M. de Leon

Teacher I/School COVID Focal, San Juan Elementary School

Featured Posts
Archive