top of page

Programang Pangkalusugan: Matagumpay na naisagawa sa WCES

Isa sa mga makabuluhang prorama ng DepEd ay ang pagkakaroon ng “School-Based Feeding Program” sa bawat paaralan. Layunin nito na mabigyan ng dagdag suportang pang-kalusugan ang mga mag-aaral. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na simula ng magkaroon ng pandemya ang ating bansa, maraming tao ang nawalan ng hanap-buhay. Ngunit sa kabila ng kahirapang kinaharap ng marami, patuloy pa rin ang katatagan ng bawat isa. Katunayan, marami pa rin ang batang nakapag-aaral at patuloy na nailalayo sa anumang malubhang karamdaman.


May kabuuang 152 kabataan ng Paaralang Elementarya ng West Crame ang kabilang sa nasabing proyekto ng DepEd. Mahigpit ding ibinibilin sa mga mag-aaral na patuloy na maging responsable sa kanilang mga ginagawa. Isa na rito ang pagkain na kanilang natatanggap. Itinuro sa kanila ang tamang pamamaraan ng paghuhugas ng kamay, pananalangin bago kumain at pagsesepilyo pagkatapos. Sinikap din ng paaralan na magabayan sila ng kani-kanilang magulang sa mga dapat na gawin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng oryentasyon bago magsimula ang “School- Based Feeding Program”. Ito ay isinagawa ng birtuwal sa paggabay ng ating butihing nars ng dibisyon na si Ginang Michelle Abraham.


Hindi matatawaran ang kasipagan at dedikasyon ng mga guro sa pangunguna ng nanunuparang punong-guro na si Ginoong Roy Dan Pido. Maging ang mga mababait at maaasahang guwardiya ay katuwang ng paaralan mula sa pagtingin ng expiration date at pagtiyak na nasa maayos na lagayan ang mga pagkain hanggang sa ito ay maipamigay sa mga magulang.


Sa tulong ng Diyos, pagkakaroon ng iisang layunin, at patuloy na pakikiisa ng mga guro at magulang ay matagumpay na naisagawa ang “School-Based Feeding Program”. Hangad ng paaralan ang kabutihan para sa lahat ng mag-aaral ng Paaralang Elementarya ng West Crame. Ipinangangako namin na patuloy kaming kaisa ng anumang programa ng DepEd at ng Dibisyon ng San Juan.

Mga masusustansiyang pagkaing puno ng bitamina tulad ng kamote, saging, ponkan, mais, itlog, nutribun, nutripack at gatas na ipinamimigay sa mga batang kabilang sa School-Based Feeding Program.

Ang pagtutulungan ng nanunuparang punong-guro, G. Roy Dan R. Pido, mga guro at mga guwardiya ng Paaralang Elementarya ng West Crame, sa pag-inspeksiyon at pagsaaayos ng mga ipinamigay na pagkain para sa “School-Based Feeding Program.

Ang masayang pagkuha ng mga mapagmahal na magulang ng Paaralang Elementarya ng West Crame ng mga pagkain para sa kani-kanilang mga anak.

Ang mga responsableng mag-aaral sa pagsasagawa ng tamang pamamaraan ng pagkain bago at pagkatapos kumain.



Article Written by:


Ruscel L. Paguirigan

West Crame Elementary School - Teacher I

Commentaires


Featured Posts
Archive