top of page

Mula SES patungong SIS, handa ka na ba?

Isang malaking oportunidad ang nalalapit na pagbubukas ng Salapan Integrated School (SIS) ngayong buwan ng Agosto, 2023 sa Paaralang Elementarya ng Salapan. Maraming mabubuting maidudulot ito para sa ating mga mag-aaral. Ang mga nagsipag tapos sa ika-anim na baitang ay hindi na mahihirapang maghanap ng paaralang kanilang papasukan dahil dito na muli sila mag-aaral. Tinatayang magiging malaking kaginhawahan ito para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang dahil malaki ang maaaring matipid nila sa pang-araw-araw na gastusin sa pamasahe at baon. Makadadagdag din sa seguridad ng mga mag-aaral ang hindi nila pagbiyahe nang araw-araw habang sila ay nag-aaral ng mga leksyon sa sekundarya.


Inaasahan din ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral sa Salapan Integrated School dahil ang mga mag-aaral sa mga karatig na barangay tulad ng Barangay Ermitanio, Balong-bato, Damayang-Lagi at New Manila sa Lungsod ng Quezon, ay maaaring magpatala dito para sa pagbubukas ng bagong tayong panuruan. Dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral, maaari ring magkaroon ng posibilidad ang pagdagdag ng bilang ng mga guro. Ang mga gurong nagtuturo sa kasalukuyang mga paaralan sa high school na taga-Salapan ay may pagkakataong lumipat dito para sa tinatawag na lokalisasyon. Kaakibat din nito ay ang paglaki ng badyet ng paaralan para sa pagpapatakbo ng operasyon at gastusin nito. Ito ay naman makatutulong para lalong mapabuti ang mga pasilidad ng paaralan. Pagkakataon din ito upang magkaroon ng panibagong gusaling pampaaralan na may mga makabago at kumpletong pasilidad tulad ng laboratory para sa Science, TLE, MAPEH, at marami pang iba. Kaugnay nito ay magiging masigla rin ang kabuhayan sa paligid ng paaralan dahil na rin sa pagdagsa ng mga mag-aaral dito.


Ilan lang ito sa mga tinatayang magiging epekto ng pagkakaroon ng Salapan Integrated School. Ang tanong sa ngayon ay handa ka na rin ba para rito?




Article Written by:


Anthony Q. Aguilar

Master Teacher I - Salapan Elementary School





Kommentare


Featured Posts
Archive