top of page

May Yumayaman Bang Guro Sa Pilipinas?

"Napakaraming guro dito sa amin,

Ngunit bakit tila walang natira?

Nag-aabroad sila,

Gusto kong yumaman, yumaman,

yumaman, yumaman, yumaman.”


Ilan lamang ito sa mga linya ng awitin ni Gloc 9 na pinamagatang ‘Walang Natira’ ukol sa mga gurong nagnanais na makatamasa ng maalwang buhay hindi lamang sa sarili kundi maging sa kanilang mga pamilya. Ngunit, ito nga ba ang sagot upang maging marangya ang pamumuhay ng isang guro?

Maituturing na napakahalagang bahagi ng buhay ng mga guro sa Pilipinas ang paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan. Marami sa mga kabataang ito ang nabigyan nila ng makabuluhan at makahulugang edukasyon upang makapagtapos, makamit ang mga pangarap, at umasenso sa buhay. Ang anomang tagumpay ng mga mag-aaral na dumaan sa kanilang pangangalaga ay tagumpay rin nilang maituturing kung kaya nananatili sila sa paaralan ng mahabang panahon upang ipagpatuloy ang paghubog ng mga isipan at pagkatao ng mga ito. Patuloy silang nakikipaglaban sa hamon ng pagtuturo kaalinsabay rin ang pagsusumikap na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya lalong-lalo na ang kanilang mga anak upang makapagtapos ang mga ito ng pag-aaral.


Subalit mabilis ang pagbabago ng panahon at kasabay nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagdami ng mga gamit na kailangan upang makaagapay sa pagbabagong ito. Ito rin ang nagiging dahilan ng mga bayaring kabi-kabila upang ang ibang guro ay mabaon sa utang. Kaya ang ibang guro ay gumagawa ng paraan at naghahanap pa ng iba pang pagkakakitaan o kaya naman ay nagnanais na yumaman.


Ngunit, paano nga ba yayaman ang isang guro na batid naman ng lahat na ang sahod ng isang guro ay hindi sapat upang siya’y yumaman. Hindi niya maaasahan ang kaniyang suweldo upang mamuhay nang mariwasa. Kung siya ay ipinanganak na mayaman, tiyak na magiging marangya ang kaniyang pamumuhay sapagkat taglay na niya ito simula pagkabata. Magiging mayaman lamang siya kung nakapangasawa siya ng mayamang kabiyak o kaya naman ay napagtapos niya ang kaniyang mga anak at nagkaroon ang mga ito ng magagandang trabaho na may malalaking sahod. Maaari ring umunlad at yumaman ang isang guro kung marunong siyang humawak ng kaniyang sinasahod sa pagtuturo at inilalagay ito sa isang bagay na pagkakakitaan o matagumpay na negosyo. At tulad ng ginagawa ng iba, ang pag-a-abroad ang maaaring maging kasagutan.

Ngunit sa huli,yumayaman ang mga guro sa Pilipinas sanatutuhang kuwento ng mga buhay ng kanilang mag-aaral - sa mga ngiti, lungkot, at tagumpay ng mga ito...yumayaman ang mga guro sa mga karanasangdulotng kanilang pagsusumikap, pagsasakripisyo, pagmamahal sa kanilang mag-aaral at pamilya... at bukod sa lahat, ang yaman ng mga alaalang naitatak nilasa puso at isipanng kanilang mag-aaral na naging bahagi ng kanilang buhay…yamang hindi matatawaran ng salapi o anomang materyal na bagay.




Article Written by:


Lexter M. de Belen

Master Teacher I - Kabayanan Elementary School

Comments


Featured Posts
Archive
bottom of page