LAKBAY-ARAL... HAKBANG SA PAGTUKLAS NG KAALAMAN SA KASAYSAYAN
Ang mga mag-aaral sa ika-anim na baitang ng Paaralang Elementarya ng Salapan ay nagsagawa ng isang mini lakbay-aral sa Museo ng Katipunan at Museo El Deposito dito sa siyudad ng San Juan noong Oktubre 19, 2022, Miyerkules mula ikawalo ng umaga hanggang ika-apat ng hapon. It ay bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng “Museum and Galleries Month” na isinasagawa tuwing buwan ng Oktubre sa bisa ng Proklamasyon Bilang 798 na nilagdaan noong 1991. Bahagi rin ito ng pangwakas na aktibidad sa pagtatapos ng aming aralin sa Araling Panlipunan sa ika-anim na baitang sa unang markahan ngayong taon, na may kaugnayan sa pagpapakita ni Andres Bonifacio sa kanyang kabayanihan at pagmamahal sa bayan upang makamit ang hinahangad na kalayaan.
Layunin ng mini lakbay-aral na ito ang mga sumusunod:
Makadiskubre ng bagong kaalaman at madagdagan ang dati nang nalalaman tungkol sa naganap na Labanan sa Pinaglabanan.
Maipakita ang lubos na pagpapahalaga sa makasaysayang lugar na matatagpuan sa sariling lugar.
Mapagyabong ang damdaming nasyonalismo at maisabuhay ang pagmamahal sa sariling bayan at kultura.
Bilang unang hakbang, nakipag-ugnayan si Gng. Elizabeth P. Cariño, guro sa Ika-anim na baitang sa asignaturang Araling Panlipunan sa pamunuan ng Museo ng Katipunan at Museo El Deposito sa tulong ng punungguro na si Gng. Florence C. Ares. Upang makasunod sa health protocols, minabuti ng guro na gawing dalawang pangkat ang grupo ng mga mag-aaral para sa lakbay-aral. Ang unang grupo na nakatakda sa umaga ng Miyerkules ay ang mga mag-aaral mula sa ika-anim na baitang pangkat Bonifacio. Ang ikalawang pangkat naman na nakatakda sa hapon ay ang ika-anim na baitang pangkat Mabini. Ilang mga magulang din ng mga mag-aaral ang nakibahagi sa nasabing mini-lakbay-aral.
\Buong kasiyahan at puno ng pagkamangha na inikot ng mga mag-aaral ang loob ng dalawang museo. Buong-tiyagang ipinaliwanag ng mga tour guides ang bawat artifacts, larawan at mga guhit na makikita sa bawat sulok sa loob ng museo, upang higit na maunawaan ang kahalagahan at kaugnayan ng mga ito sa kasaysayan ng Pinaglabanan. Matiyaga silang nakinig sa paliwanag ng mga ito at hindi nagdalawang isip na magtanong upang higit na maintindihan ang bawat detalye nang ibinabahaging kaalaman sa kanila ng mga nagsilbing tour guides.
Hindi lamang ang mga mag-aaral ang natuto at namangha. Maging ang ilang mga magulang na nakasama sa nasabing mini-lakbay-aral ay lubos na natuwa. Hindi lamang dahil sa pagtatapos ng dalawang taong papamalagi sa kanilang tahanan dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19 kundi dahil marami rin silang nakitang bago at natutuhan sa dalawang makasaysayang museong matatagpuan mismo sa syudad ng San Juan. Bukod dito, nasilayan ng mga mag-aaral at mga kasamang magulang ang tila buhay na mga lalarawan ng mga pangyayaring naganap sa panahon ng unang digmaang naganap sa San Juan na noon ay kinilalang San Juan del Monte sa papamagitan ng mga artifacts, paintings at larawang makikita sa loob ng museo. Napasok din ng mga mag-aaral ang makasaysayang tunnel sa Museo ng El Deposito ng San Juan.
Ang bawat isa ay namangha, natuto, at nagalak mula sa mini-lakbay-aral na isinagawa. Isang patunay na ang bagong kaalaman sa kasaysayan ay maaari ring masilayan sa mga museo bukod sa mga babasahing aklat kahit daang taon na ang nakararaan.