KES MINI-HYDROPHONICS GARDENING
Naging matagumpay ang kauna-unahang hydrophonics gardening sa Paaralang Elementarya ng Kabayanan sa pangunguna ni Gng. Ma. Hernada R. Santos, punongguro, Gng. Ofelia Magbanua, Gurong Tagapag-ugnay sa asignaturang EPP/TLE, at G. Carlos S. Parada JR., isa sa mga nagturo at tumulong sa mga guro kung paano isagawa ang hydrophonics gardening sa paaralan.
Ang hydrophonics na paghahalaman ay isang maka-agham na pagtatanim. Ito ay isang alternatibong pamamaraan ng pagtatanim sa tubig na may inihahalong solusyon. Mainam itong gawin lalo na sa lugar na may maliit na espasyo. Dahil sa pamamaraang ito, maaari ka nang magkaroon na munting halamanan na maari mong pagkakitaan.
Noong ika-11 ng Enero, gamit ang hydrophonics gardening, sama-samang inani ng mga guro ang mga tanim na litsugas. Ang mga naani ay ibinenta sa mga kaguruan at ang pinagbentahan ay gagamitin para makabili ulit ng nutrients solution na gagamitin sa pagpapanibagong punla. Tuwang-tuwa ang kaguruan dahil bukod sa sariwa at masustansiya ang mga pananim, isa rin ito sa mga atraksyon sa kanilang “ Gulayan sa Paaralan.”
Sa ngayon, unti-unti ng ipinakikilala at itinuturo sa mga mag-aaral kung paano gawin ang pamamaraang ito. Hinihikayat din ang mga magulang na matuto at makiisa sa pagpapalawak ng hydrophonics gardening sa paaralan na maari rin nilang gawin sa kanilang mga tahanan upang mapagkakitaan.
Narito ang ilang kuhang larawan mula sa paaralan:
Article Written by:
Veronica R. Mora
Teacher II - Kabayanan Elementary School