top of page

LAKBAY – ARAL 2018: KARANASANG PANGKASAYSAYAN

Isang karanasang pangkasaysayan ang isinagawa noong Setyembre 28, 2018 sa pamumuno ni Dr. Victoria M. Parambita, Education Program Supervisor ng Araling Panlipunan, kung saan ang mga guro, magulang at piling mag-aaral ng pampublikong paaralan ng lungsod ng San Juan ay nabigyan ng opurtunidad na makilahok sa taunang “Pasyal Aral” na handog ng pamunuan ng Intramuros kaagapay ang Dibisyon ng San Juan at ang lokal na pamahalaan ng lungsod.

Ang libreng pagbisita ay naging posible nang ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ng punong lungsod Kgg. Guia G. Gomez ay nagkaloob ng libreng sakay sa mga lumahok.

Ang paglilibot sa iba’t ibang lugar sa loob ng Intramuros tulad ng Fort Santiago at Balwarte De San Diego ay naging daan upang lalong pahalagahan at pagyamanin ang kasaysayan na nagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal ng ating mga bayani sa ating bansa.

Mamamalas din ang kakaibang uri ng pamumuhay ng ating mga ninuno sa pagdalaw sa Museo ng Casa Manila.

Tunay nga ang buong araw ay punong puno ng makabuluhan at kapaki-pakinabang na pagkatutuo sa mga bumisitang guro, magulang at mag-aaral dahil sa karanasang aktwal kasabay ng pagbabahagi ng impormasyon ng magagaling na tour guide.

Sa buong pamunuan ng DepEd San Juan, sa pangunguna ng Nanunuparang Pinuno Schools Division Superintendent Dr. Joel T. Torrecampo, taas-noong pagpupugay at taos-pusong pasasalamat sa lahat ng suporta. Tayo para sa Edukasyon!

Article written by:

Ms. Analine R. de Guzman (Pedro Cruz Elementary School)

Featured Posts
Archive
bottom of page