top of page

SANAYGURO 2016


Dumalo ang mga guro ng Special Program in the Arts sa SANAYGURO 2016, isang taunang pambansang pagsasanay sa sining ng mga guro sa SPA, Art and Design Track, MAPEH at iba pang kaugnay na larang sa ilalim ng pamamahala ng National Commisssion for Culture and the Arts at ng Departamento ng Edukasyon nong Oktubre 10-14, 2016 sa Teacher’s Camp, Lungsod ng Baguio.

Ang nasabing pagsasanay ay may iba’t ibang disiplina na dinaluhan ng mga guro ng San Juan National High School at ng Pandibisyong Tagapag-ugnay ng SPA na si Eulafel C. Pascual. Si Florentino Dionela, Pampaaralang Tagapag-ugnay ng SPA ay sa larang ng Pagsasayaw; Florante Serrano para sa Sining Biswal; Sammy Lagmay at Josefina Facto sa Drama; Jennelyn Abalos para sa Malikahing Pagsulat.

Layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga guro/kalahok sa pampublikong paaralan ng isang komprehensibong pagsasanay at kaalaman sa mga paraan na may kaugnayan sa pinagkadalubhasaang sining.

Sa bawat disiplina ng sining ay layon na mabigyan ang mga guro ng kakayahan na makalikha ng masining na awput, makapagsagawa ng mga pagtatanghal , makapagpakita o makapag-exhibit ng mga napili, natipon, nagawang bagay at babasahin na nagbibigay impormasyon sa sining at mga paraan sa inaasahang lilikhain ng kanilang mag-aaral.

Naging makabuluhan ang limang araw na pamamalagi ng pangkat sapagkat tinalakay ang pagsulat at pagsusuri ng dula sa entablado at pelikula para sa Malikhaing Pagsulat; pagbasa ng iskrip, pag-arte, pagdidirehe, pag-aanalisa sa dula at disenyong pamproduksyon naman sa Drama; classical ballet, kontemporaryo, tradisyonal at katutubong sayaw para sa Pagsasayaw; pagguhit, pagbuo ng sining mula sa natagpuang bagay, iskultura para sa Sining Biswal.