top of page

KINATAWAN NG KAGURUAN NG DIBISYON NG SAN JUAN DUMALO SA 2016 PAMBANSANG KONGRESO NG KWF


Nagsagawa ng Pambansang Kongreso ang Komisyon ng Wikang Filipino na may temang “Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino” sa Teacher’s Camp, Lungsod ng Baguio noong Agosto 3-5, 2016 na dinaluhan ng mahigit 500 delegado mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa mula sa ahensiya ng pamahalaan, akademya, kinatawan ng media, mga direktor ng SWAK, at Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF sa pangunguna ng Tagapangulo at pambansang alagad ng sining, Virgilio S. Almario.

Dumalo sa nasabing komperensiya sina Eulafel C. Pascual, EPS sa Filipino at Erlinda T. Reyes, bilang kinatawan ng Dibisyon ng Lungsod ng San Juan upang maibahagi ang mga kaalamang mababatid sa mga kaguruan ng San Juan upang lalong mapalaganap, mapahalagahan at magamit nang husto ang wikang Filipino sa iba’t ibang larang o asignatura sa batayang edukasyon ng elementarya at sekundarya.

Layunin ng komperensiya na mailahad ang pananaw at proseso ng intelektuwalisasyon ng wika sa sistema ng edukasyon; matukoy ang mga hamon at suliranin sa pagbabalangkas ng mga kongkretong hakbang sa pagpapalakas ng wika sa teknikal at siyentipikong larang; mailapat ang mga proseso ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa lahat ng STRAND batay sa K+12 Kurikulum; matiyak ang mataas na antas ng edukasyon sa bawat STRAND gamit ang Filipino; maitaguyod ng mga guro mula elementarya patungong tersiyarya ang bisa sa paggamit sa pagtuturo; at maganyak ang mga guro na gamitin ang Filipino sa paglinang ng mga aralin at pagbabalangkas ng mga kagamitang panturo.

Hinati sa dalawang bahagi ang unang araw Nagbukas ang rehistrasyon dakong 9:00 ng umaga, na sinundan ng pormal na pagbubukas ng palatuntunan at susing pananalita ni Kalihim Fortunato T. De la Pena ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.

Kasama sa unang bahagi ang paggawad ng Kampeon ng Wika at Ulirang Guro, maging ang launching ng Audio Visual Presentation ng KWF para sa taon 2016.

Ang kalahati ng araw ay binuo ng apat na sesyong plenaryo: Mga Panaaw at Hakbang sa intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino; Mga Saliksik at Karanasan sa Likas at Praktikal na Agham; Intelektuwalisasyon ng Filipino sa Batayang Edukasyon; at Pagsusuri sa Kurikulum ng Junior at Senior High School.

Nagkaroon ng apat na sesyong plenaryo tungkol sa Intelektuwalisasyon sa iba’t ibang larang: Edukasyong Pangguro; Teknikal at Pang-agham; Ekonomiks; at Medisina sa ikalawang araw para sa unang bahagi at sesyong parallel sa ikalawang bahagi. Dito’y nagbalangkas ang mga kalahok ng isang Action Plan upang magkaroon ng kongkretong hakbang upang magkaroon ng inteletuwalisasyon sa Filipino na ilalahad sa ikatlong araw sa unang bahagi upang maipakita sa lahat ng dumalo. Nagkaroon din ng paglalagom sa mga lektura at presentasyon ng mga tagapagsalita sa pangunguna ni Roberto T. Anonuevo, direktor heneral ng KWF.

Para sa ikalawang bahagi ng huling araw, nagsipagbigay ng ebalwasyon at impresyon ang mga napiling delegasyong nagmula sa Luzon, Visayas at Mindanao na sinundan naman ng lagom sa hinaharap ng Wikang Pambansa sa Sistema ng Edukasyon sa pangunguna ni Dr. Michael M. Coroza.ang pagkakaroon ng ebalwasyon at impresyon sa mga delegasyon mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, na susundan ng lagom sa hinaharap ng Wikang Pambansa sa Sistema ng Edukasyon sa pangunguna ni Dr. Michael M. Coroza.

Article written by:

Eulafel C. Pascual (Education Program Supervisor - Filipino/MTB-MLE)

Featured Posts
Archive
bottom of page