top of page

2016 Pandibisyong Pakitang-Turo sa Filipino, Matagumpay na Naisagawa


Matagumpay na naisagawa ang 2016 Pandibisyong Pakitang-Turo sa Filipino 4, Antas Elementarya na Tuon sa Lokalisasyon at Kontesktuwalisasyon noong Enero 26, 2016 na ginanap sa Paaralang Elementarya ng Kabayanan.

Nagpakita ng kahusayan sa pagtuturo sina Catherine C. Asufardo ng Paaralang Elementarya ng Sta. Lucia , Dyan Amor S. Falcon ng Paaralang Elementarya ng Pedro Cruz, Arlene Joy P. Rogel ng Paaralang Elementarya ng San Perfecto, Ma. Cristina L. Cayetano ng Paaralang Elementarya ng Kabayanan at Arnold M. Santos ng Paaralang Elementarya ng Pinaglabanan.

Layunin ng nasabing gawain na mapahusay ang proseso ng pagkatuto sa larangan ng Filipino; maipakilala ang makabagong estratehiya, pamamaraan, dulog at istilo para sa makakalidad na pagtuturo at pagkatuto; mahikayat ang mga guro na maging malikhain, mapamaraan, at makabago sa larangan ng pagtuturo; makakalap ng mga kagamitang pampagtuturo sa Filipino at magkaroon ng gabay sa lokalisasyon at kontekstuwalisasyon ng aralin batay sa pangangailangan at karanasan ng mag-aaral.

Naging kasiya-siya at aktibo ang mga mag-aaral sa paglahok sa bawat gawain na ibinigay ng mga gurong nagpakitang-turo sapagkat ang mga aralin ay batay sa kultura at karanasan ng mga ito sa Lungsod ng San Juan tulad ng mga natatanging lugar sa San Juan, kasaysayan ng Labanan sa Pinaglabanan, alamat ng San Juan, pinagmulan ng Paaralang Elementarya ng Pedro Cruz, natatanging lugar sa Kabayanan at sa mga kalamidad na naganap sa Lungsod ng San Juan.

Nagbigay naman ng pangwakas na mensahe si Dr. Lydia C. Abeja, Punong Pansangay ng Curriculum Implementation Division sa mga gurong nagpapakitang-turo na nagsilbing inspirasyon at gintong butil na aakay sa kanilang pagtuturo. Nagsipagdalo rin ang ilang pansangay na tagamasid at mga punong-gurong magproproseso ng gawain. Ang mga ito ay sina G. Cesar C. Camayra, Dr. Nonita Y. Sajo ng PCES at Gng. Lucila G. Artuyo ng SLES na nagbigay kulay sa programa.

Pinamunuan naman ni Gng. Eulafel C. Pascual, Pansangay na Tagamasid sa Filipino kaagapay si Dr. Felicito M. Angeo, Puno ng KES at ng mga Pampaaralang Tagapag-ugnay na sina Wilma H. Taguiang ng SPES, Maricar Hinampas ng SJES, Evangeline L. Reyes ng SES, Elisa M. Evangelista ng PES, Janet B. Cabelin ng SLES, Naneth Suarez ng KES, Cynthia V. Narte ng NIES ang nasabing pakitang-turo.

Isinulat ni Eulafel C. Pascual

Kumuha ng mga larawan: Elisa M. Evangelista

Featured Posts
Archive
bottom of page